Pinakamahirap pitasin
Ang mga salitang
Nagpapahiwatig ng lubos na tuwa.
Siguro mas mabisang
Panulat ang luha.
Kahit walang bakas, nanunuot ang mantsa.
Sinubukan kong ilatag
Mga katagang sumasariwa
Sa sanlaksang alaala naming dalawa.
Mga sandaling tahimik–
Nag-uusap ang mga mata,
Kapwa walang imik pero may pag-unawa.
Siguro ang saya
Ay parang isang biro
Na kaming dalawa lang ang natatawa.
Wala pa ring buga
Ginagawa kong tula
Nakangiti ang labi, putol ang dila.
Hindi lubos na madakip
Ng anumang talinhaga
Matatamis na sandali sa aking isip.
Hayaan nang makimkim
At hindi na isalin
Ang mura at matalik naming mga lihim.
Kay tagal kong inasam
Ang ganitong kalagayan
Kaya’t patawad kung hindi ko pinaaalam.
Ang ngiting kay sarap
Kasimbilis ng kurap
Kung makatakas baka hindi na mahanap.
Kung pipi ang pakiramdam
Ng pusong kay gaan.
Kita naman sa tinging nagugunamgunam.
Magkasya ka na muna
Sa akdang walang talab.
Ang kasiyahan ay tuliro pag naglalagablab.
