Kanina,
Matapos ang ilang araw nang walang
Balita mula sa ‘yo
Walang ha
Ni ho
Tumunog ang telepono ko
Mensahe mula sa’yo: 
 
Papunta na ko jan baby
Sira cp ko
Hintayin mo ko sa baba. 
 
Nagdalawang isip ang puso ko
Pipintig o
Malulusaw? 
Ito ang araw na aaabangan kita
Sa pintuan
Dala ang mga gamit na iniwan mo
Sa aking aparador
Ang mabilis
At walang kabig na pamamaalam
Sinosoli ko na ang kandila mong
Upos.
Pundido. 
 
Nguni’t di napigil
Ang puso kong tanga
Na naghihintay
Sa baba ng gusali
Sa tapat ng pila ng traysikel
Pinagtitinginan ng mga usiserong
Kapitbahay
Hithit-buga sa ikatlong yosi
 
Inaantok.
 
Umaasa.
 
Naghihintay sa’yo
Naghihintay sa wala.
 
Natapos ang tatlong magdamag
Dumating kang
Nababalot ng libog
At ng halimuyak ng
Kawalang-muwang.
 
Ang matulog sana sa tabi mo
Ang aking kunswelo
De bobo.
 
Pinalitan mo ng mga halik
Ang dapat sana’y hilik
Na hindi mamutawi
Dahil natatakpan
Ng iyong mura
At nag-iinit na katawan
Na bumabayo
Sa aking katahimikan. 
 
Ang pakikipagbaratan,
Wag muna ngayon-
Sige na-
Gusto ko lang matulog-
Wala na akong suot,
Nauwi sa barurutan.
Di mo alintanang
Nagdurugo ako. 
 
Natapos kang kumikislot
Hinihingal
Nakahandusay ka
Sa aking kama.
 
Kay sarap tamnan
Ng patalim ng
Iyong hunkag na dibdib. 
 
Mahal mo ba ako?
Huh?
Mahal mo ba ako?
Oo.
Sabihin mo.
I love you.
Tangina mo. 
 
Nagpahatid ka na sa baba
Gaya ng puso mo
Nahungkag ang kuwarto ko. 
 
Hilik. 
 
Hilik. 
 
Hilik. 
 
Mas matamis ang halik
Ng pag-iisa.
Advertisements