Nagpapawis na ang mata ko sa kakahanap sa iyo.

Umaandap ang isang milyong butil ng mga ilaw na pumapatay-sindi sa tabing ng kompyuter upang mabuo ang iyong dibuho. Upang mabuo ang mga titik ng iyong mga salitang dahan-dahang pinipilas ang mga saplot ng iyong isipan.

Minamasdan kita, sa kathang-isip na dalampasigan na binuo ko sa pagmumuni-muni. Doon malaya kong nasisilip ang iyong malapad na likod. Dinidilaan ng aking pilikmata ang iyong balat– lasang dagat, mainit, maaliwalas at mahapdi, parang mga luha.

Isinisiksik ko ang aking sarili sa pagitan ng iyong bisig at ng iyong tagiliran. At para tayong mga piraso ng nabubuwal na monumentong pinagdidikit ko ng kanin at matatamis na salita. Paulit-ulit na bumabagsak,

nawawasak,

nawawakas.

Sinusundo kita… sa tagpuang ako lang din ang may alam.

Gulatin mo ako.

Advertisements